National News
Higit 200K PWDs, target ng DSWD na makabenepisyo sa cash-for-work program
Inilahad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isa sa napakagandang programa na nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na iimplementa ng DSWD.
Ayon kay DSWD Spokesperson, Assistant Secretary Rommel Lopez, isa sa kanilang programa ang cash-for-work program para doon sa persons with disabilities (PWDs).
Tinatawag itong Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS).
Layunin ng programa na tulungan ang mga indibidwal na may disabilidad na magkaroon ng pagkakataon na magtrabaho.
Saysay ni Lopez, kung hindi man sila ang direktang magtrabaho, ay maaaring ang kaanak nila.
Ito’y nang sa ganoon, mapakinabangan pa nila kung anuman ang kaya nilang gawin o makapag-ambag sila sa lipunan na siyang gustung-gusto rin ng ating mga kababayan na PWDs.
Inilahad pa ng DSWD na target ng ahensiya ang mga mahihirap na aniyay nakalulungkot man ay PWD pa.
Tinatayang nasa 264,186 ang mga ito.
Nasa higit P1-B naman ang halaga ng tulong o nakalaang pondo para sa cash-for-work program ng DSWD para sa PWDs, para sa taong ito.
Saklaw ng naturang pondo ang 78 provinces sa buong bansa, maliban sa NCR.
