National News
Hiling na 35% na taripa ng imported rice, diringgin na sa March 28 – SINAG
Muling iginiit ng ilang grupo ng magsasaka na walang magandang epekto ang ibinabang taripa sa imported agricultural products, partikular na sa bigas, na ngayo’y nasa 15% mula sa dating 35%.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), hindi naman bumaba ang presyo ng bigas sa merkado, at sa halip, nagdusa pa ang mga magsasaka dahil sa pagbaba ng presyo ng palay.
Ipinahayag ni Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, na wala ni isa man sa sektor ng agrikultura ang nakinabang mula sa pagbaba ng taripa.
Ayon sa datos ng Bureau of Customs (BOC), nawalan ang mga magsasaka ng P16-B noong nakaraang taon na sana’y napunta sa kanila.
Pinatunayan din nila na ang bahagyang pagbaba ng presyo ng bigas ay hindi dahil sa Executive Order 62, kundi sa mga hakbang na tulad ng Maximum Retail Price (MRP) at mga food security programs.
Patuloy na nararamdaman ng mga magsasaka ang pagkatalo sa kabila ng patuloy na anihan ng palay, kung saan ang presyo ng palay ay binabayaran ng mga traders mula P14 – P19, malayo sa inaasahang presyo na P23 – P24.
Kaya’t nanawagan ang SINAG na ibalik ang dating taripa sa bigas upang makatulong sa mga lokal na magsasaka at matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
