National News
Housing assistance, nakahanda para sa mga nawalan ng tirahan dala ng bagyong Egay – PBBM
Tiniyak ng gobyerno ang housing repair assistance at emergency support para sa mga residenteng nawalan ng tirahan dala ng super typhoon Egay sa Northern Luzon.
Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nasa proseso na ngayon ang gobyerno sa pagtukoy sa mga residente na ang mga bahay ay lubos o bahagyang nasira ng bagyo upang maibigay ang kinakailangang tulong.
Tinukoy ng pangulo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), na siyang responsable sa pamamahala ng pabahay at kaugnay na development habang ang National Housing Authority (NHA) naman ang responsable sa pampublikong pabahay sa bansa.
Inilahad pa ni PBBM na magbibigay din ang pamahalaan ng construction materials sa mga biktima para bigyang-daan ang muling pagtatayo ng kanilang mga tahanan.
Sa ngayon, pansamantalang nananatili sa mga evacuation center ang ilang residente sa Egay-hit areas sa Northern Luzon.
Saad ni Pangulong Marcos, nabigyan na ang mga ito ng mga medical team at iba pang tulong ng gobyerno para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Tiniyak naman ng punong ehekutibo sa mga biktima ng bagyong Egay sa mga evacuation center na bibilisan ng gobyerno ang mga pagsisikap sa rehabilitasyon upang makabalik sila sa kani-kanilang mga bahay at makapagtayo ng kanilang mga bagong tahanan.
