National News
Human Rights Defender’s bill, binuo para pahinain ang gobyerno at mabihag ang bansa
Papahinain lamang ng panukalang batas na Human Rights Defender’s bill ang gobyerno.
Ito ang hayagang sinabi ni dating Senate President Juan Ponce Enrile sa kanyang programa sa Sonshine Radio.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay pumasa na sa committee level ng Kamara ang panukalang protektahan ang mga nagdedepensa sa karapatang pantao mula sa mga panghaharas at banta ng pananakot.
Layunin ng naturang panukalang batas na igalang ng gobyerno ang karapatan ng mga defender tulad ng paglikha o pagbuo ng mga organisasyon, pigilan ang mga awtoridad na i-freeze o isamsam ang kanilang bank accounts at iba ba.
Kasama na rin dito ang paglikha ng Human Rights Defenders Committee na pamumunuan at bubuuin ng mga miyembro mula sa Philippine Alliance of Human Rights Advocates, karapatan, free legal assistance group at ng National Union of People’s Lawyers.
Ang naturang mga makakaliwang grupo ay kilalang legal front ng komunistang teroristang CPP-NPA-NDF ayon na rin sa anti-insurgency task force ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Enrile na gagamitin ito ng mga komunista para mabihag ang bansa.
Napag-alaman na magiging legal na ang pagkilos ng ilang makakaliwang grupo na umano’y mga tagapagtanggol ng karapatang pantao kapag naipasa ang human rights defenders bill
Dahil dito, sinabi ni Enrile na posibleng maibalik ang military junta kapag nangyari ito.
Kaugnay naman sa senaryo na sinabi ng dating cadre ng New People’s Army na si Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz na posibleng papasiklabin muli ng mga komunista ang karahasaan nila para magdeklara ng martial law ang gobyerno at gagamitin nila ito para ibagsak ang administrasyon tulad ng ginawa nila noon kay dating pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr, tahasang sinabi ni Enrile na huwag silang magkakamali dahil tiyak na mauubos sila kapag nangyari ito.
Ang tinig ni dating Senate President Juan Ponce Enrile.
