Regional
Ilang binahang lugar sa Negros Occidental, nasa ‘state of calamity’
Nasa ‘state of calamity’ ngayon ang ilang lokal na pamahalaan sa Negros Occidental.
Ito’y dahil sa sunod-sunod na naranasang mga pag-ulan at malawakang pagbaha bunsod ng hanging Habagat na pinalakas pa ng bagyong Ferdie at Gener.
Partikular na saklaw ng ‘state of calamity’ ang San Enrique, Hinigaran at La Carlota City.
Sa pagdedeklara ng ‘state of calamity’ ay maaari nang magamit ng nasabing mga local government unit (LGU) ang Quick Respond Fund nila para matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay San Enrique Mayor Jilson Tubillara, nasa 10 barangay nila ang lubog sa tubig-baha at apektado dito ang nasa higit 9K pamilya.
Si Hinigaran Mayor Nadie Arceo, ibinahagi na nasa halos 20K indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha sa kanilang bayan.
Samantala, sa panig ni La Carlota City Mayor Rex Jalando-on, maliban sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha ay inilikas din nila ang mga residenteng nakatira sa landslide prone areas.
Gayundin ang mga nakatira sa apat na sitio ng Brgy. Yubo dahil sa patuloy na pag-alburoto ng bulkang Kanlaon.
Sa huling datos ng Negros Occidental Provincial Disasater Risk Reduction and Management Council (PDRRMO), nasa higit 42K na pamilya ang apektado sa masamang panahon.
Higit 8.3K pamilya o halos 34K indibidwal ang nanatili sa mga evacuation center habang ang 609 pamilya o halos 2K indibidwal ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak.