COVID-19 UPDATES
Ilang gov’t officials, sumailalim sa self-quarantine dahil sa COVID-19
Dumami pa ang mga government officials sa Pilipinas ang nagpahayag ng pagsailalim nila sa self-quarantine dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Bukod kina Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Nancy Binay na sumailalim sa self-quarantine matapos na makasalamuha ang taong nagpositibo sa COVID-19 sa isang pagdinig sa sinabi, minabuti na rin ni Department of Finance (DOF) Sec. Carlos Dominguez III na mag-self quarantine matapos makaharap at makamayan ang taong nagpositibo virus.
Kinumpirma naman ni Department of Transportation (DOTr) Asec. Goddess Libiran na nakasalamuha din ni Sec. Arthur Tugade ang naturang tao na nagpositibo sa virus.
Napagdesisyunan naman ni Bangko Sentral Gov. Benjamin Diokno na mag-self-quarantine matapos makasalamuha sina Domiguez at Tugade kamakailan.
Si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio rin ay nagpahayag na sasailalim sa self-quarantine dahil nakasama nito sa isang tanghalian si Gatchalian kahapon.
Maging si Manila City Mayor Isko Moreno ay nagpasya ring mag-self-quarantine matapos na ito ay bumiyahe sa United Kingdom.