News
Ilang malls, humirit ng exemption mula sa bagong operating hours
Humirit ang ilang malls lalo na ang mga hindi matatagpuan sa kahabaan ng EDSA o major roads ng exemption sa pagpapatupad ng bagong operating hours.
Kasunod ito sa ginagawang paghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa unti-unting pagbigat ng daloy ng trapiko sa Metro Manila habang papalapit ang holiday.
Huwebes ng umaga nang pinulong ng MMDA ang mga mall operator kaugnay sa pagpapatupad ng adjusted mall hours at pagsasagawa ng mall sales.
Ayon sa MMDA na para sa nasabing kahilingan ay kinakailangang pormal na magsulat ang mga mall at saka pag-aaralan ng ahensya.
“Whether it is within the major thoroughfares or the inner roads or the city roads ng mga LGUs. As far as I know lahat covered ito, entire Metro Manila. But if they will seek exemption kailangan nilang magsulat magrequest sa MMDA kay Chairman and Chairman will decide whether pwede or hindi,” ani Atty. Vic Nuñez ng Traffic Discipline Office Director for Enforcement ng MMDA.
Simula November 13, ipatutupad ang adjusted mall hours sa Metro Manila na 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi.
Papayagan lang din ang mga delivery sa mga mall mula 11:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.
Ang malakihang mall sale, pwede lang tuwing weekend.
Dagdag ng MMDA, sufficient naman ang public transport sa Metro Manila para i-cater ang mga commuter kasabay ng pagpapatupad ng adjusted mall hours.
Kakausapin din ng ahensya ang Department of Transportation o DOTr para palawigin din ang operating hours ng mga tren.
