National News
Ilang pasahero sa PITX, nakaranas ng aberya sa biyahe pauwi ng probinsya ngayong Semana Santa

Habang patuloy ang pagdagsa ng mga pasaherong umaasang makauwi sa kanilang mga probinsya ngayong Semana Santa, ilan sa kanila ang humarap sa aberya—tila kalbaryong kapalit ng pagnanasang makasama ang pamilya.
Sa gitna ng siksikan, paghihintay, at pagkabigo, naglabas ng listahan ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ng mga biyaheng fully booked ngayong Miyerkules.
Mainit ang panahon, mabigat ang bagaheng pasan, pero mas mabigat ang loob ng ilang pasahero sa PITX na inabutan natin—lahat sila, may iisang layunin na makauwi para gunitain ang Semana Santa kasama ang mga mahal sa buhay.
Isa na rito si Jendi, na alas-6 pa lang ng umaga ay nasa terminal na, bitbit ang pag-asang makakarating sila sa Albay sakay ng alas-9 na biyahe.
Ngunit gaya ng maraming istorya sa mga terminal tuwing peak season—hindi palaging naaayon ang plano sa realidad dahil pagdating nila, saka lang nila nalaman na kanselado pala ang kanilang biyahe.
Sa halip na umusad ang kanilang pag-uwi, napilitang maghintay hanggang alas-2:30 ng hapon para sa rebooking.
Wala rin katiyakan ang oras ng biyahe ni Abdhulrahman patungong Tacloban.
Mapalad naman si Aling Grace dahil nakahabol pa siya sa biyaheng papuntang Legazpi.
Ayon sa PITX, higit 1M pasahero na—tiyak, may kanya-kanyang kwento ng pag-uwi—ang dumagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange mula Abril 9 – 15 para sa Semana Santa.
Sa dami ng taong naglalakbay, tila isang karagatan ng pag-asang makauwi ang bumalot sa terminal at habang papalapit ang Mahal na Araw, inaasahan pang mas dadami pa ang mga boses ng pananabik at paa ng pagmamadaling makasakay pauwi.
Batay sa datos ng PITX, nitong Miyerkules ay pumalo sa 69.88% ang mga biyaheng papuntang Bicol na fully booked—tila sinasalamin ang dami ng mga Bicolanong nais magbalik-probinsiya.
Samantala, 18.18% ng mga biyahe patungong Northern Luzon at 18.75% patungong Visayas-Mindanao ang wala na ring bakanteng upuan.
Sa kasalukuyan, mayroong 83 trips patungong Bicol, 91 patungong CALABARZON, 88 patungong Northern Luzon, at 16 patungong Visayas-Mindanao.
Dahil dito, agad nagdagdag ang PITX ng 8 extra trips patungong Bicol at 5 patungong Northern Luzon noong Miyerkules—isang pagsisikap para mas marami ang makauwi at makasama ang pamilya sa panahong banal at makabuluhan.
Para sa ilan na masuwerteng nauna at maagap sa pag-book, sigurado na ang kanilang biyahe ngayong Miyerkules habang ang iba, patuloy pa ring umaasang may makuhang upuan sa gitna ng dagsa ng tao.
Samantala, naglabas na rin ang PITX ng mga bus operation mula Huwebes – Biyernes Santo.
Naantala ang pag-canvass ng mga boto sa Cebu Province dahil sa pumalyang USB ng isang automated...
Sa halos kumpletong bilang ng mga boto, lumilitaw na ang mga re-electionist at mga dating senador...
Iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media ang 6 na indibidwal na umano’y sangkot...
Handang handa na ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) para sa inaasam na maayos,...
Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P2K na across the board increase...