Metro News
Ilang piitan sa Metro Manila, dumidiskarte para iwas-sakit ngayong tag-init
Bukod sa 2 stand fans sa labas ng pinto sa piitang ito ng Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal sa Quezon City, ay mayroon pang 2 exhaust fan para may hangin man lang kahit paano.
Maliban pa nga ‘yan sa maliliit na bentilador na halos hindi na rin maipahinga dahil sa sobrang init ng panahon.
Pero sa kabila nito, talagang napakainit pa rin.
Ang hangin ngang ibinubuga ng mga bentilador na’to di sapat para maibsan man lang ang maalinsangang panahon sa nasabing pasilidad.
Sa pagbisita natin sa naturang pasilidad ay inalam natin ang mga hakbang para pangalagaan ang kalusugan ng mga nakakulong lalo’t siksikan din ang sitwasyon sa loob na sinabayan pa ng mainit na panahon.
Sa kabilang kwarto naman, bagamat may kaluwagan ang piitan ng mga babaeng bilanggo, ay aminado ang mga silang mainit pa rin talaga.
Ayon sa mga opisyal rito, regular ang medical checkup ng mga nakakulong para matiyak na walang magkakasakit at hindi sila magkahawaan.
Sakali namang hindi kayanin ng isang persons under police custody (PUPC) ang isang karamdaman ay may naka-standby rin naman silang ambulansiya na maghahatid sa pasyente sa pinakamalapit na pagamutan.
Batay sa datos ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), tuwing summer, nasa 5 uri ng sakit ang karaniwang naitatala sa iba’t ibang piitan sa bansa kabilang na rito ang:
- Hypertension (2, 578 CASES)
- Tootache (1, 673 CASES)
- Acute Gastro Enteritis (1, 466 CASES)
- Boil (600 CASES)
- Gastritis (554 CASES)
Ayon sa ahensiya, inaasahan nila ang mababang bilang ng mga kasong ito habang unti-unting tinutugunan ang problema ng congestion o pagsisiksikan sa mga piitan sa bansa.
Sa katunayan, mas maliit ngayon ang congestion rate na may 334% o 118-K persons deprived of liberty (PDL) kumpara noong nakaraang taon na nasa 370% ang congestion rate o katumbas ng 127-K PDLs.
Samantala, upang maiwasan ang anumang insidente sa kalusugan ng mga nakakulong, pinapayuhan nila ang lahat ng nanganagsiwa sa mga piitan sa bansa na ibigay ang karampatang atensiyon at suporta sa mga bilanggo.
