National News
Ilang residente sa Kamaynilaan, tiwalang may kurapsyon sa flood control projects
Naniniwala ang ilang manggagawa at residente ng Maynila na hindi naging epektibo ang flood control project ng gobyerno dahil sa kurapsyon.
Ang mga bahang naranasan ay hanggang leeg at ang iba lagpas tao pa.
Tanong nila, may pa-flood control project pala pero bakit malala ang naging pagbaha?
Hindi tuloy, mapigilan ng mga taga-Maynila na magduda sa ipinagmalaking proyekto ni Marcos Jr. sa SONA matapos silang bahain.
Ang mga senador, nagtataka din gayong bilyun-bilyong piso ang inilaang budget para sa flood control.
Sisimulan naman ang senate inquiry sa unang araw ng Agosto para busisiin ang proyekto na may budget na P1-B kada araw.
Ayon kay Sen. Cynthia Villar, “This will be done by senate commite of works and highways kasi in the connection with the budget, ‘yong budget for the flood control. Hinahanap nila sa budget. Ang sabi nila, P1-B a day daw ang budget sa flood control. Which is P1-B a day that’s P360-B a year. Hinahapan nila bakit tayo nagfa-flood, eh ang laki laki ng flood control budget.”
Para sa taong 2025, ang proposed budget para sa flood control ay nasa P257-B.
Ayon pa kay Villar na siyang chairman ng Senate Committee on Environment Committee, dapat busisiing maiigi ang panukalang pondo.
“Tingin ko dapat busisiin kung saan dadalhin kasi flood control budget is very big ang iba nga pinaglilinis ng ilog, how did you know na pinaglilinis ng ilog, sisisid ka sa ilog?” saad nito.
Ito rin an hinaing ng mga ordinaryong Pilipino dahil ayaw na nilang maranasan ang mabahaan at ang malaking aberya.
Pero kung pagbabatayan ang naging sagot ng DPWH, tila malabo pa na maging flood free ang Metro Manila.
Ani DPWH Sec. Manuel Bonoan, “I think—actually, there are still many low-lying areas in Metro Manila. Ang kuwan lang natin dito is to mitigate the flooding problems in Metro Manila by way of iyong sinasabi natin, by way of implementing iyong engineering solutions and plus, of course, iyong social and environmental issues have also to be addressed actually ‘no. Kagaya niyan in Metro Manila, nasabi nga natin dito sa kuwan natin, Metro Manila is a small area with so many people so it’s overpopulated siguro at this point in time. More people, more business, more economic activities, more problems that you will get.”