Connect with us

Ilang tricycle at e-trike na dumaan sa mga national road sa Maynila, tiniketan at inimpound

Ilang tricycle at e-trike na dumaan sa mga national road sa Maynila, tiniketan at inimpound

Metro News

Ilang tricycle at e-trike na dumaan sa mga national road sa Maynila, tiniketan at inimpound

Nagmistulang parking lot ang labas ng impounding area ng Manila Traffic and Parking Bureau nitong araw ng Martes, ika-16 ng Abril.

Marami-rami na rin kasi ang na-impound nilang e-trikes, tricycle, at iba pang light vehicles matapos na dumaan sa mga national road kahit bawal na simula noong Lunes, Abril 15.

Sa kahabaan ng Recto Avenue, ilang motorista nga ang nasampolan.

Katuwiran nila, hindi raw nila alam ang nasabing polisiya.

Pero pagbibigay diin ng Manila Traffic and Parking Bureau, matagal nang bawal sa mga national road ang mga light vehicle bago pa man nilagyan ng pangil ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nasabing batas trapiko.

Nakaraang taon pa nang maglabas ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng nasabing regulasyon laban sa mga light vehicle.

“Ang batas o ‘yung mga ordinansa na ipinagbabawal ang mga tricycle, pedicabs, at tsaka mga kuliglig sa mga national road, matagal na po iyan.”

“Ngayon po, medyo pinaghihigpitan natin para malaman nila na seryoso ang Maynila sa pagsunod po ng batas na iyan para maingatan po natin lahat,” ayon kay Deputy, Tri-wheels Management Unit, Christian Fajardo.

Si Remy na may-ari ng e-trike, hindi mapigilang ilabas ang kaniyang galit sa pagbabawal sa kanila sa national road.

Hirit niya, sa pangunahing lansangan lang kasi sila nakakapagsakay ng mga pasahero.

“Hindi po talaga namin kayang i-please lahat. Just like any other regulation, kapag may naapektuhan siyempre po may nagrereklamo. Pero at the end of the day ang amin pong kino-consider diyan ay ang pangkalahatan na kagalingan. So ipagpaumanhin po nila na kung sila ay naapektuhan nitong mga ganitong klaseng regulasyon. Pero again ang amin pong tinitingnan diyan ay yung safety at traffic concerns,” saad ni Chairman, MMDA, Atty. Romando Artes.

Bagama’t sa Miyerkules, Abril 17, pa maniniket ang MMDA, nag-umpisa nang manghuli ang ilang lokal na pamahalaan tulad sa Lungsod ng Maynila.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes sa isang text message sa SMNI News, discretion na ng mga lokal na pamahalaan kung magsisimula na silang maniket ng mga susuway sa nasabing polisiya. Aniya tanging sa MMDA lamang ang direktibang mag-umpisang maniket sa Miyerkules.

Simula noong Lunes, bawal na ang mga tricycle, pushcarts o kariton, pedicabs, kuliglig, e-bikes, e-trikes at mga light electric vehicles na dumaan sa mga national roads, circumferential roads, radial roads at mga lugar na sakop o nasa hurisdiksyon ng MMDA.

Pagmumultahin ng P2,500 ang mga nagmamaneho ng mga naturang unit na mahuhuling dumadaan sa mga piling pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Kung hindi rehistrado o walang maipakitang lisensya ang nagmamaneho nito, kukumpiskahin at i-impound naman ang mga unit.

More in Metro News

Latest News

To Top