National News
Impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte, walang katotohanan – mambabatas
Pinabulaanan ni House Majority Leader Mannix Dalipe ang umanoy planong paghain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Dalipe, “baseless” ang naturang balita.
Naniniwala ang mambabatas na pinapaikot lang ang balitang ito upang magkaroon ng alitan sa pagitan ni VP Sara at House Speaker Martin Romualdez.
Binigyang-diin ni Dalipe na malaki ang respeto ni Romualdez kay VP Sara at walang katotohanan ang umanoy “undermining” laban sa pangalawang pangulo dahil potensyal itong katunggali sa 2028 national elections.
Sinagot na rin ni Dalipe ang umanoy plano ni Romualdez na tumakbo bilang pangulo ng bansa sa 2028.
Sinabi ni Dalipe na nakatutok ang house speaker sa anumang mga programa na ikauunlad ng bansa sa ilalim ng Marcos administration at wala pa itong plano hinggil sa pagtakbo bilang pangulo.