National News
Inciting to sedition laban kay Mystica, posibleng isampa ng NBI
Nakatakdang magpalabas ng memorandum order si Justice Secretary Menardo Guevarra na mag-uutos sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang viral video ni Ruby Villanueva o mas kilala bilang si Mystica.
Napanuod kasi ng mga netizen sa viral video na pinagmumura ni Mystica si Pangulong Rodrigo Duterte dahil ito daw ang nagpapahirap at nagdulot ng kagutuman ngayong umiiral ang enhanced community quarantine.
Hinimok pa ni Mystica ang mga supporters ni Vice President Leni Robredo na magsilabas at buong pwersang labanan ang gobyerno.
Dapat din daw na i-home quarantine ang pangulo at huwag bigyan ng pagkain at inumin at tingnan kung ano ang magiging kinahinatnan kung mismong si Duterte ang mabulok o ilang araw pa lang ay hindi na mabubuhay kung walang pagkain katulad anya ng ginagawa sa mga katulad niyang ordinaryong mamamayan.
Kaugnay nito’y sinabi ni Guevarra na kapag natapos na ang imbestigasyon ay saka pa lamang matutukoy ng NBI kung maaari bang masampahan ng kasong inciting to sedition si Mystica dahil sa panghihikayat nito sa publiko na mag-alsa at labanan ang pamahalaan.
