National News
Inflation rate noong Enero, bumagal – PSA
Hindi maganda ang takbo ng kinikita ng karinderya ni Aling Marlyn nitong nakaraang buwan ng Enero.
Kasabay raw kasi ng matumal na benta, dahil nagbabaon na ng pagkain ang mga dati niyang customer, ay ang mataas na presyo ng mga bilihin.
Kaya napataas ang kilay ni Aling Marlyn nang sabihin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin tulad ng sa sibuyas, dilis, at karne ng manok.
Sinabi ng PSA na mas bumagal ang inflation rate nitong Enero ng 2024 mula 3.9% noong Disyembre ng nakaraang taon.
Pangunahing nag-ambag ng pagbagsak ng inflation ay ang pagbaba ng presyo ng food and non-alcoholic beverages.
Nakaambag din sa inflation rate nitong Enero ang pagbaba ng presyo ng renta ng bahay, bayad sa suplay ng tubig, presyo ng kuryente, at maging ang presyo ng gasolina.
Pero sa kabila ng pagbagal ng inflation rate nitong nakaraang buwan, bumilis pa rin ang pagtaas ng presyo sa bigas na naitala sa 22.6% ayon kay Usec. Dennis Mapa.
Ito ay mataas mula noong Marso ng 2009 na pumalo sa 22.9%.
Mula regular milled hanggang sa espesyal na klase ng bigas, tumaas ang mga presyo nito sa P10 – P11 sa year-on-year basis.
Dahil diyan, ang mga pamilyang Pilipino na nasa bottom 30% na malaki ang kinokonsumo na kanin ay hindi ramdam ang kabuuang pagbagal ng presyo ng mga bilihin.
Sa pakikipag-usap ng PSA sa Department of Agriculture (DA), nakikita raw ng DA na patuloy pa ang pagtaas sa presyo ng mga bigas.
Dahil dito, inaasahan ng PSA na bibilis pa ang rice inflation sa 20% o mas mataas pa hanggang sa Hulyo ng 2024.
