National News
Inisyal na magiging miyembro ng gabinete ni BBM, nabuo na
Tuloy-tuloy ang pagbubuo ng kampo ni presumptive President Bongbong Marcos sa kaniyang gabinete.
Paliwanag ni BBM na mahalaga na pareho ang iniisip niya at ng gabinete nito.
Nasa pito na ang mga inisyal na bubuo sa gabinete ni Bongbong Marcos matapos tanggapin ng mga itatalaga ni BBM ang alok nito.
Kabilang sa mga ahensiya na pamunuan ng inisyal na miyembro ng gabinete ang Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Migrant Workers (DMW).
Itatalaga naman si Atty. Vic Rodriguez bilang Executive Secretary ni BBM habang si presumptive Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Kahapon kinumpirma ni Atty. Vic na tinanggap na rin nina Susan Toots Ople ang alok na maging secretary ng DMW, dating Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa DOLE at Dr. Arsenio Balisacan na pamunuan muli ang NEDA.
Si Cavite Representative Boying Remulla naman ang bagong Justice Secretary habang si dating MMDA Chairman Benhur Abalos ang itatalaga bilang Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary.
Pinaoorganisa na ni BBM kay Ople ang bagong Department of Migrant Workers upang masimulan agad aniya ang operasyon ng kagawaran sa mismong pagka-upo nito.
Paliwanag naman ni BBM na kung bakit niya pinababalik si Balisacan sa NEDA ay dahil mahalaga sa kaniya na pareho ang pag-iisip niya at ng mga miyembro ng gabinete niya.
Ganoon din kay Congressman Remulla, naniniwala si BBM na angkop itong maging kalihim ng DOJ.
Humingi si BBM ng konti pang panahon upang mabuo ang kaniyang gabinete partikular na ang kaniyang economic team at maging sa iba pang mga kagawaran.
