National News
Insidente ng kidnapping sa bansa ngayong taon, tumaas — PNP
Dahil sa sunud-sunod na insidente ng pagdukot o kidnapping, kinumpirma mismo ng Philippine National Police (PNP) ang tumataas na bilang ng kaso nito sa unang bahagi pa lang ng taong 2025 kumpara noong nakaraang 2 taon.
Sa datos ng PNP Anti-Kidnapping Group, mula sa taong 2023, nakapagtala ang bansa ng 26 na kidnapping cases na kinabibilangan ng traditional kidnapping, at may mga kaugnayan sa casino at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Bagamat, iginiit ng PNP na may mga nareresolba naman na mga kaso rito habang ang iba ay patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya.
Para naman ngayong 2025 mula Enero hanggang ngayong buwan ng Abril, nasa 13 na ang insidente ng kidnapping.
Ito ay ayon kay PNP Spokesperson Jean Fajardo, “As to the status noong 2023 ay 16 diyan ang solved, 2 ang cleared at 8 ang under investigation. For 2024 ay 17 ang solved, 7 ang cleared at 8 ang still under investigation. For 2025 ay 5 ang nasolve diyan, 3 ang na cleared at 5 ang under investigation.”
Ayon sa PNP, tumaas ngayon ang kaso ng kidnapping sa unang bahagi pa lang ng taon ng Marcos Jr. administration.
Giit pa nito, gumagawa na sila ng hakbang at pakikipagpulong sa iba’t ibang law enforcement agencies kung papaano mapipigilan ang pagdami ng mga insidente ng pagdukot lalo pa’t karamihan sa mga biktima rito ay mga dayuhan.
Niniwala ang PNP na karamihan sa mga kaso ay may kaugnayan sa POGO.
Nagsimula anila ito nang inumpisahan ng pamahalaan ang pagpapasara sa operasyon ng POGO sa bansa at tila nagkakasingilan daw ang mga ito lalo na sa mga baon sa utang bunga ng pagsusugal.
