Metro News
Ipatutupad na mga hakbang ng QC laban sa COVID-19, kasado na
Kasado na ang ipatutupad na mga hakbang ng lokal na pamahalaan ng Quezon City para mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, mamimigay ang City’s Task Force ng mga bitamina, supplements at maintenance medicines sa mga senior citizen dahil mas prone ang mga ito sa COVID-19 dahil sa kanilang mahinang immune system.
Nakatakda ring maglabas ng memorandum ang alkalde na nagbabawal sa mga estudyante na pumasok sa mga mall at computers shops sa kasagsagan ng school hours bilang tugon sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ipinag-utos din nito ang pag-ban ng mga malakihang pagtitipon ng local government at non-government organizations.
Tiniyak naman ni Belmonte na sinanay ang Barangay Health Emergency Response Teams ng lungsod para rumesponde sa komunidad at kilalanin at imonitor ang mga posibleng kaso ng COVID-19.
Muli namang nanawagan si Mayor Belmonte sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng fake news o misinformed report na maaaring magpalala sa sitwasyon at panic sa mga residente.