National News
Isang Canadian, malaki ang papel sa Batangas drug haul – DILG
Malaki ang papel ng Canadian na si Thomas Gordon O’ Quinn sa P9.6-B na drug haul sa Alitagtag, Batangas noong Abril.
Ayon ito kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos matapos naaresto ang Canadian at ipinakita ito sa media nitong Lunes, May 20, 2024.
Dagdag pa nito, malakas ang mga ebidensyang mag-uugnay sa Canadian national na kilala rin bilang James Toby Martin sa illegal drug trade.
May 16 nang maaresto ang Canadian sa isang spa sa Barangay Maitim II, Tagaytay.
Sa pagkaaresto ay nakitaan si O ‘Quinn ng shabu, cocaine at ecstasy tablets.
May nakuha rin sa kanya na mga ID na may mukha niya subalit iba-iba ang pangalan, 7 cellphones, computer tablet, SIM cards at P3, 600 na cash.
Inaresto naman ito batay sa red notice alert mula sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) dahil sa pagdala, pag-export at pamamahagi ng iligal na droga sa Estados Unidos.
