National News
Isang linggong one-time, big-time ops, ikakasa ng PNP vs. pekeng gamot – PNP chief
Aminado ang Philippine National Police (PNP) na malaking banta sa kalusugan ng publiko ang mga naglipanang pekeng gamot.
Sa kanyang talumpati kasabay ng isinagawang flag raising ceremony sa Kampo Krame, binigyang-diin ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. hindi lang aniya banta sa kalusugan ang mga pekeng gamot kundi sinisira rin nito ang sistema at programang pangkalusugan ng pamahalaan.
Kaugnay rito, isang one-time, big time ang ikinasa ng PNP ngayong linggo bilang suporta sa pagbubukas ng National Consciousness Week against Counterfeit Medicine ngayong taon.
Sa panig ng Food and Drug Administration (FDA), pinasalamatan nila ang ambag ng kapulisan sa kampanya laban sa mga pekeng gamot.
Matatandaang, Enero taong 2022, tinatayang aabot sa P30-M halaga ng mga pekeng paracetamol at iba pang gamot ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Parañaque City, kung saan isang Pakistani national ang naaraesto.
Sa huli, nangako ang PNP, na buong linggong silang makikiisa sa mga aktibidad upang maitaas ang kamalayan ng publiko at pahusayin ang kampanya laban sa mga gumagawa at nagpapakalat ng mga pekeng gamot.
