National News
Isinampang reklamo sa ombudsman ukol sa 2025 nat’l budget, pinasasagot sa Kamara — Rep. Alvarez
Iginiit ni 1st District Representative Pantaleon “Bebot” Alvarez na hindi isang diversionary tactic ang isinampang reklamo laban sa liderato ng Kamara kaugnay ng 2025 National Budget.
Kasunod ng pagsasampa ng reklamo sa Ombudsman, binigyang-diin ni Alvarez na dapat sagutin ng mga opisyal ng Mababang Kapulungan ang mga isyung ibinabato laban sa kanila, sa halip na ipagpalagay na ito ay isang paglihis ng atensyon.
Pahayag ni Rep. Alvarez, “Para sabihin mong diversionary tactic, ibig sabihin, ayaw nilang sagutin ‘yung mga issues na nilabas. Madaling sabihin ‘yung diversionary, eh bakit hindi nila sagutin isa-isa ‘yung mga akusasyon? Sagutin ‘yon. Huwag lang basta sabihin mong diversionary. Kasi, pwede ko ring sabihing diversionary ‘yung ginawa nila na mag-file ng impeachment case laban kay Vice President Sara. Dahil nauna ‘yung isyu na pumutok kung saan binaboy nila ‘yung budget ng 2025. ‘Yun ang hindi nila kayang sagutin. Dahil sila mismo ang umamin na talagang may mga blangko.”
Samantala, tungkol naman sa pagsisi sa Technical Working Group sa paggawa ng budget, pinayuhan ni Alvarez ang mga sangkot,“Doon ako naaawa sa kanila. Ngayon, para sa akin bilang isang abogado, ganito: The best defense is always the truth. Just tell the truth.”
Matatandaang si Rep. Alvarez, kasama sina Atty. Ferdinand Topacio ng Citizen’s Crime Watch, Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Raul Lambino, at Atty. Virgilio Garcia, ang nagsampa ng reklamo na nagsasaad na may P241 bilyong pisong kuwestiyonableng insertion sa 2025 National Budget, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Disyembre.
