National News
Isko-Chi tandem, nakapaghain na ng CoC sa Maynila
Muling tatakbong alkalde ng Maynila si Isko Moreno Domagoso sa darating na 2025 midterm election.
Ito’y matapos siyang maghain ng kanyang certificate of candidacy o COC nitong huling araw ng filing period.
Sa isang ambush interview, sinagot ni Domagoso ang tungkol sa isyu sa pagitan nila ni incumbent Manila Mayor Honey Lacuna, partikular na ang naunang anunsyo nito na magreretiro na siya sa pulitika kung hindi siya mananalo sa pagkapangulo noong 2022.
Ikinagulat ni Domagoso ang naging reaksyon ng kaniyang “ate” na si Mayor Lacuna na nakaramdam umano ng pagtatraydor dahil sa kanyang muling pagkandidato.
Sa kabilang banda, binanggit ni Domagoso ang ilang dahilan kung bakit siya sasabak muli sa pagka-alkalde ng Maynila.
Aniya, ang panawagan ng mga Manileño na bumalik siya bilang mayor ng lungsod ang nagtulak sa kanyang kumandidato na muli.
Kabilang din sa kadahilanan ang ilang hinaing ng mga residente patungkol sa serbisyo ng lokal na pamahalaan kasama na rito ang programa para sa senior citizens.
Isa rin sa idinaing ng mga tao ang pahirapan online schedule ng health center.
Kabilang din sa prayoridad na gawin ni Domagoso kapag nahalal muli ay ang pagtutok sa city vertical housing program sa pamamagitan ng pagbibigay ng tatlong 20-storey residences.
Kasabay ni Domagoso sa paghahain ng CoC ang kanyang running mate na si Chi Atienza, anak ni dating Manila Mayor Lito Atienza.
Tatakbo sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ang Isko-Chi tandem.
Kasama rin sa nag-file ng CoC nitong Martes ang ilang tatakbong konsehal sa ilalim ng Aksyon Demokratiko tulad ng anak ni Isko na si Joaquin Domagoso, Mocha Uson, at iba pa.
Sa huli, sinabi ni Domagoso na umaasa siya na wala nang samaan ng loob at pamumulitika pagkatapos ng eleksyon sa 2025.
Samantala, para naman kay Mocha Uson na tatakbong konsehal sa ikatlong distrito ng Maynila, isusulong niya ang kabuhayan at kalusugan ng mga Manileño lalo na ng mga kababaihan.
Kasama rin ang kalidad na edukasyon para sa mga kabataan.
Titiyakin din niya ang kumpletong gamot at maintenance para sa mga senior citizen.
Ipinaliwanag naman ni Uson kung bakit patuloy niyang sinusuportahan si Isko Moreno.
Tututukan din ni Uson ang pagsugpo sa korapsyon at ang pagpapabilis ng implementasyon ng mga programa ng gobyerno.
