Connect with us

Joma Sison at iba pang kasama, sinampahan ng patung-patong na kaso ng PNP-CIDG

Joma Sison at iba pang opisyal ng CPP-NPA-NDF, sinampahan ng patung-patong na kaso ng CIDG

National News

Joma Sison at iba pang kasama, sinampahan ng patung-patong na kaso ng PNP-CIDG

Patung-patong na kaso ang isinampa ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa pinuno ng CPP-NPA-NDF founder na si Joma Sison at iba pang opisyal ng organisasyon.

Kaugnay ito sa mga insidente ng extortion, panununog, illegal recuitment sa mga kabataan, mga pag-atake sa Western Visayas at Central Mindanao.

Ang mga isinampang kaso laban kay Sison at iba pa ay ang paglabag sa Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and other Crimes Against Humanity.

Sa testimonya ni PLtCol. Julius Jacinto, Deputy Regional Chief, Regional Field Unit 6, nag-ugat ang mga kaso sa magkahiwalay na insidente ng panununog ng mga miyembro ng communist terrorists groups sa mga equipment ng dalawang kompanya sa Negros Occidental at Antique.

“Ay itong pong kaso ng isinampa natin against Joma Sison—– na ‘yung insidente sa Antique at sa probinsya ng Negros Occidental. Ito po ‘yung pagsunog ng equipment ng AFG construction sa Hantik Antique,” ani Jacinto.

Kabilang din sa kinasuhan sa Antique Provincial Prosecutor’s Office ang mga miyembro ng Guerilla Front 11 ng NPA, Napoleon Tumagtang Command, Southern front Komiteng Rehiyon-Panay dahil sa panununog sa heavy equipment sa Hamtic, Antique noong June 2, 2018.

Habang sinampahan naman sa Bacolod City sina Armando Magbanua at anim pang miyembro ng komiteng rehiyon Negros-Cebu-Bohol-Siquijor dahil naman sa panununog sa isang farm tractor na nagkakahalaga ng P800,000 matapos na tumangging magbayad ng revolutionary tax ang kompanya.

“Agustin, former incorporated kung saan ang mga communist terrorist group sa lugar na nasabi ay sinunog din nila ang isang farm tractor na pagmamay-ari ng nasabing farm at ito po ay nagkakahalaga ng P800,000,” saad pa nito.

Samantala, batay naman sa impormasyon ni PLtCol. Rogelio Pineda, chief investigation, RFU 12, hindi maganda ang naidudulot ng grupo ng CPP-NPA-NDF sa Central Mindanao lalo na sa tahasang recruitment nito sa mga kabataan.

“Ito naman pong mga na-file natin, nareklamo base po doon sa mga narescue po natin na mga minors with regards doon sa pagre-recruit nila sa pakikibaka at dine-decieve nila po itong mga minors natin,” ssad naman ni Pineda.

Partikular na sa mga komunidad na malayo sa mga lungsod at kabayanan.

Dagdag pa ng pulisya, ginagamit ang mga nalinlang na menor de edad para humawak ng baril at turuan na mag aklas laban sa gobyerno

Ilan sa mga kinasuhan ng PNP ay sina Mack Potenciano o alyas Cesar na isa sa mga kadre na nag o-organisa sa recruitment ng mga kabataan sa Central Mindanao para gawing mga kawal nito laban sa pamahalaan.

Kasama rin sa mga sinampahan ng kaso sina Daniel Inday alyas Tonton, Rowell Caballes alyas Arman, Gary Almeni alyas Gary Imaw, Charice Bernarden Banez alyas Nicki at Winnie Kikay alyas Michael na pawang mga opisyal ng Southern Mindanao Regional Party Committee na nag o-operate sa North Cotabato at Bukidnon.

Naniniwala ang pulisya na hindi man anila makalaban ng harapan sa pamamagitan ng palitan ng bala at dahas ang mga NPA na ito, sa halip idadaan na lamang nila ang kanilang laban sa ligal na proseso.

Pangunahing kinasuhan si Joma Sison bilang pinuno ng kilalang komunistang teroristang kilusan sa bansa na CPP-NPA-NDF.

Bukod kay Joma Sison, kinilala din ni Jacinto ang mga matataas na opisyal ng CPP-NPA-NDF na sina Luis Jalandoni, Coni Ledesma, Maria Concepcion Araneta Bocala at Porferio Tuna Jr. sa kanilang indirect participation sa mga kaso.

Matatandaan nasa listahan bilang isang teroristang grupo ang CPP-NPA sa Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand at Pilipinas.

Ayon sa PNP, kakaunti pa lamang ito at marami pang mga opisyal at miyembro ng kilusan ang balak pang sampahan ng mga kaso dahil sa mga iligal na aktibidad nito sa ibat ibang bahagi ng bansa

 

More in National News

Latest News

To Top