National News
Kamara, ‘di totoong pinaantay para sa budget deliberation ng OVP
Hindi totoo na pinaantay ng Office of the Vice President (OVP) ang mga kongresista para sa gagawing House plenary debate ng kanilang 2025 proposed budget nitong Lunes, Setyembre 23, 2024.
Sa pahayag ni Vice President Sara Duterte, alam na ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Adiong, ang House budget sponsor ng OVP noon pang Setyembre 16 na hinahayaan na ng kanilang opisina ang mga kongresista kung ano man ang gagawin nila sa kanilang proposed budget.
Sa akusasyon ng Kamara, nag-antay umano sila para kay VP Sara mula 10:00 ng umaga ng Setyembre 23 hanggang halos 3:00 ng madaling araw ng Setyembre 24 ngunit hindi ito sumipot.
Samantala, bagamat wala si VP Sara sa naka-schedule na plenary deliberation noong Lunes ay nagpadala naman ito ng representative.
Iyon nga lang ay pinauwi lang din ito dahil sa kawalan ng “written communication” na nagpapatunay na ito ang pinadala ng opisina ng pangalawang pangulo ayon sa Kamara.
Sa naging plenary deliberation naman ngayong araw, Setyembre 25 ay hindi parin dumalo si VP Sara.
Sa isang liham nito para kay Quezon City 3rd district Rep. at House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Joel Chua, iniisa-isa ng pangalawang pangulo ang mga dahilan kung bakit hindi ito dadalo.
Sa kabilang banda, sa hiwalay na pahayag ay sinabi ni VP Sara na dadalo sya sa budget plenary ng Senado.
Aniya, naghihintay na lamang sila ng schedule.