National News
Kamara, tukoy na ang mga priority bills batay sa SONA ng pangulo
Tukoy na ni House Majority Leader Martin Romualdez ang mga priority bills nila sa Kamara batay sa katatapos lamang na 5th State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Romualdez, kailangang tutukan ang mga panukala na makatutugon sa kahirapan at gutom dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID- 19).
“As I see it, his mission is threefold. First, to protect the Filipino nation from hunger and poverty caused by the COVID-19 pandemic.”Ikalawa ay ang mga panukala na layong pababain ang bilang ng COVID-19 cases at pangatlo ay ang sapat na pondo para sa lahat ng recovery plan ng pamahalaan.
“Second, to save precious human lives and minimize the number of population infected by the coronavirus. And third, to ramp up budgetary measures needed to fully implement a responsive and sustainable recovery plan.”
Sa SONA speech ni Pangulong Duterte, pinamamadali nito sa Kongreso ang pagpasa sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE).
Sa ilalim ng panukala, ibababa ang corporate income tax ng mga korporasyon o mga negosyo sa 20% mula sa 30% na magiging daan para makahikayat ng mas maraming investors sa bansa at makatulong sa ekonomiya.
Bukod diyan, hiling din ni Pangulong Duterte sa Kamara na ipasa ang National Housing Bill.
