National News
Kampo ni FPRRD, pormal na nagsumite ng depensa sa ICC
Nagsumite ng depensa sa International Criminal Court (ICC) ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang argumento, may kaugnayan sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
Isang legal argument ang inihain ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.
Ayon sa dokumentong may petsang ika-1 ng Mayo, 2025 iginiit ni Atty. Nicholas Kaufman, legal counsel ni dating Pangulong Duterte, na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil tuluyan nang kumalas ang bansa sa Rome Statute noong taong 2019.
Sa ilalim ng Article 19 ng Rome Statute, maaaring kuwestyunin ang hurisdiksyon ng ICC sa isang kaso kung ang akusado ay hindi sakop ng mga umiiral na kondisyon ng kasunduan.
Sa isang panayam sa ICC, naunang sinabi ni Atty. Kaufman na ihahain nila ng mosyon sa lalong madaling panahon, “In the coming days, perhaps even today, perhaps tomorrow or in the beginning of next week but no more than 1 week we can file our jurisdictional challenge.”
Binibigyang-diin ng kampo ni Duterte na mahalaga ang pagiging kasapi ng isang bansa sa Rome Statute sa mismong panahon ng imbestigasyon o paglilitis.
Kung wala ito, ayon kay Kaufman, ay walang sapat na batayan ang ICC para ituloy ang kaso.
Sa ‘jurisdiction stricto sensu’ o striktong interpretasyon ng hurisdiksyon, may 3 elementong tinitingnan krimen, panahon, at indibidwal na sangkot.
Iginiit ng kampo ng dating pangulo na hindi dapat basehan ang nationality o teritoryo kung wala nang membership sa Rome Statute.
Dahil dito, iginiit ng depensa na walang legal na kapangyarihan ang ICC sa kasong ito.
Sa panig naman ng Senado, welcome development sa kampo ni Duterte ang mga resulta ng pagdinig ng komite ni Sen. Imee Marcos.
Ani Atty. Kaufman, posible na gawin nila itong basehan sa mga argumentong isusumite sa ICC, “Mentions have been made of the arrest, mentions have been made even on the jurisdictional arguments. They are very compelling and they support our arguments as well.”
Patuloy naman ang pagpapadala ng liham ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Duterte sa kanya mula sa iba’t ibang pani ng mundo.
Ayon sa kanyang abogado, mahalaga ito sa kanilang moral at legal campaign.
Ipinunto ni Atty. Kaufman na in ‘high spirits’ si dating pangulong Duterte at nananawagan ito sa publiko na igalang ang judicial process ng ICC isang mahabang legal battle na kanilang hinaharap.
