National News
Kapayapaan sa ASEAN, naaantala dahil sa sigalot sa WPS
Muling nagturuan ang China at Pilipinas kung sino ang may kasalanan sa panibagong tensyon sa West Philippine Sea (WPS) o South China Sea.
Kasunod ito sa banggaang nangyari ng mga barko ng dalawang bansa kamakailan.
Ngunit sa eksklusibong panayam ng SMNI News sa isang geopolitical analyst na si Herman “Ka-Mentong” Laurel, sinabi nito na ang talo sa nagpapatuloy na tensyon sa mga pinag-aagawang teritoryo ay walang iba kundi ang Pilipinas.
Paliwanag ni Laurel, nasisira nito ang Zone of Peace, Freedom and Neutrality (ZOPFAN) sa buong Asya dahil sa nangyayaring tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Matatandaan na ang Zone of Peace, Freedom and Neutrality (ZOPFAN) ay isang deklerasyon na nilagdaan noong 1971 ng foreign ministers ng mga bansang miyembro ng ASEAN kagaya ng Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand at Pilipinas.
Binigyang-diin pa ni Ka-Mentong, dahil sa pang-uudyok ng Estados Unidos kaya hindi matapos-tapos ang tensyon sa WPS.
“Nakipag-ayos ang Pilipinas dito sa China sa isyu ng tensyon sa South China Sea. Eh, bakit meron na naman itong mga bago na mga insidente?
Dahil meron pong nag-uudyok ng tensyon na ito and that is the Americans. Ang America, tandaan po natin, ang ekonomiya nila nabubuhay sa defense industry.
Kailangan nila ng kaguluhan sa mundo: sa Gaza Strip, sa Israel may giyera, sa Ukraine may giyera.
Nangggaling lang sila sa Afghanistan at nagbubukas pa po sila ng iba pang merkado para sa kanilang defense industry,” ayon sa geopolitical analyst.
Dagdag pa niya, hindi naman masamang pagtuunan ng pansin ng Pilipinas ang seguridad at pangangalaga sa teritoryo ng bansa ngunit hindi aniya ito ang pangunahing kailangan ng mga Pilipino. “95% ng populasyon sa survey po ng Pulse Asia, ang gustong atupagin ng gobyerno ay itong presyo, kriminalidad, korupsyon, itong mga issues.
Hindi po territorial defense dahil 5% lang ang nagsasabing may peligro sa territorial issues natin.”
