National News
Karagdagang 5 milyong pamilya, bibigyan ng ayuda ng pamahalaan
Karagdagang limang milyong pamilya ang makatatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dinagdagan nila ang bilang ng pamilyang apektado ng na makatatanggap ng ayuda. Ito rin aniya ang kagustuhan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“Nagdesisyon din po ang IATF na irekumenda sa Presidente na mabigyan ang lahat ng nangangailangan. Magbibigay pa tayo ng ayuda sa ilalim ng SAP sa hindi lalampas sa five million na karagdagang pamilya.”
“Hindi lang po 18 million families ang makakakuha ng ayuda sa first tranche ng Social Amelioration Program. Dinagdagan na po natin ng five million or ang suma-total, 23 million po; alinsunod sa pangako ng Presidente na dapat mabigyan ang lahat ng nangangailangan.”
Humihingi ng pang-unawa ang pamahalaan sa publiko. Ani Roque, sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaan na matulungan lahat ay marami pa ring magrereklamo hinggil dito.
“Pero humihingi po ako ng inyong pag-intindi. Bagama’t five million po iyan na additional na pamilya na mabibigyan ng ayuda sa first tranche; ang katunayan po ay marami pa rin ang magrereklamo na dapat sila mabigyan. Pero limang milyon na po iyan dahil narinig ng Presidente ang iyong kahilingan.”
Samantala, inaantabayanan ng IATF ang magiging desisyon ng Pangulo kaugnay sa ikalawang tranche ng SAP. Inaasahang makakasama pa rin ang mga lugar na nasa ilalim ng ECQ sa ikalawang tranche ng SAP.
“Para sa second tranche po ng SAP, nirekumenda po sa Office of the President na bigyan pa rin ng ayuda iyong mga lugar na nasa ilalim ng ECQ pero ito po ay inaantay ang approval ng ating Presidente.”