National News
Karagdagang bus units at ruta ngayong eleksyon, tiniyak ng PITX
Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya para bumoto.
Kasama na rito ang contingency plan sakaling magkaroon ng aberya sa biyahe para masigurong maayos at ligtas ang kanilang paglalakbay.
Inaasahang aabot sa mahigit 1.2-M pasahero ang dadagsa sa PITX mula Mayo 5 – 13, kasabay ng pagbabalik-probinsiya ng mga botante at pagdiriwang ng Mother’s Day weekend.
Ayon kay PITX Senior Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa, nakahanda na ang pamunuan ng PITX para sa karagdagang bus units at ruta upang tugunan ang pagtaas ng bilang ng pasahero ngayong 2025 Midterm Elections, “Mayroon naman tayong usual na additional na buses lalo na pa-Bicol and Sorsogon, may mga special permit na tayong nakuha from LTFRB, may nakahanda na rin tayong contingency plan incase na magkaroon ng aberya sa biyahe.”
Mahigpit din ang koordinasyon ng PITX sa mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), MMDA, at PNP upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa terminal.
Naka-deploy na ang mga law enforcement personnel, K9 units, at mga roving guard sa loob at paligid ng terminal upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.
May mga assistance desks din sa buong terminal para tumulong sa mga biyahero, lalo na sa mga nangangailangan ng tulong o impormasyon.
Dagdag pa ni Calbasa, nakatutok din ang mga tauhan ng DOTr upang matiyak na walang kolorum na sasakyang makalulusot sa terminal ngayong peak travel period.
Muling nagpaalala ang PITX sa publiko hinggil sa panganib ng pagsakay sa mga kolorum na sasakyan, “Paalala na lang na huwag po tayong sasakay ng kolorum dahil iyan po ay hindi safe, specifically dahil hindi po iyan recorded sa LTFRB. At siyempre kung maaksidente tayo, hindi natin mahahabol ‘yung operator o driver ng sasakyan.”
Patuloy ang real-time monitoring ng arrival at departure schedules ng mga bus at pampasaherong sasakyan upang maiwasan ang trapiko at masiguro ang maayos na dispatching.
Nakaantabay din ang ground crew at customer service team para tumugon sa anumang pangangailangan ng mga pasahero, lalo na sa mga mataong bahagi ng terminal.
Sa kabila ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero, tiniyak ng PITX ang maayos, ligtas, at episyenteng biyahe para sa lahat ng uuwing botante, bitbit ang pag-asang magiging matagumpay at mapayapa ang kanilang pagbabalik-probinsiya.
