National News
Karahasan sa mga OFW abroad, patuloy pa ring dumarami
Aminado ang Special Alliance of Welfare Officer, Advocate, Recruiters and Migrant Workers (SWARM) na mindset at pag-uugali ng mga employer ng Overseas Filipino Workers (OFW) ang pangunahing problema kung bakit ang karahasan sa mga Pinoy workers abroad ay nagpapatuloy.
Iginiit ni Chairman Atty. David Castillon, founder ng SWARM, dapat aniyang paigtingin at palakasin ang Bilateral labor agreement ng Pilipinas at ng ibang bansa para maibsan ang nagpapatuloy na karahasang dinaranas ng mga OFW.
Sinabi ni Castillon na government to government ang pag-uusap ng mga bansa para bigyan ng pangil ang kanilang bilateral labor agreement at nang mabigyan naman ng maayos na terms and conditions ang mga mangagaawang Pilipino.
Ayon pa kay Atty. Castillon, “alam mo ‘yung batas nila .’yung pinapairal doon ay yun ang sinusunod nila ,eh may sarili rin tayong batas dito .’Yung mga ugali ng mga employer yun ang nangingibabaw, kaya nga sabi natin dapat meron day off ,merong rest day ,mayroong sapat na tulog ang mga tao.”
Aminado din ito na ang mga nabanggit ay napapaloob sa kontrata na hanggang ngayon ay hindi pa nasusunod ng mga employer.
Aniya, marami pang mga bansa ang walang bilateral labor agreement kasama ang Pilipinas lalo na sa mga bansa sa Gitnang Silangan, “malaki ang market sa Middle East pero ‘yung risk,’yung mga behavior ng mga employers doon, iba talaga ang kultura sa Middle East, para bang ang mga domestic helper doon medyo inferior ang treatment sa kanila.”
