Connect with us

Karamihan sa mga ahensya ng gobyerno, kulang o walang cybersecurity expert – DICT

Karamihan sa mga ahensya ng gobyerno, kulang o walang cybersecurity expert – DICT

National News

Karamihan sa mga ahensya ng gobyerno, kulang o walang cybersecurity expert – DICT

Bilang isang computer science student, nakikita ni Mark ang kahalagahang magkaroon ng abilidad sa cybersecurity.

Lalo na aniya sa panahon ngayon na kadalasang puntirya ng mga cyber-attacks o hacking ang sistema ng ilang ahensya ng gobyerno.

Kaya naman hindi nagdalawang-isip si Mark na muling sumali sa HackforGov competition ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Biyernes, Mayo 3, para mas lalo aniyang mahasa ang kaniyang kakayahan pagdating sa cybersecurity at digital forensics.

“Mostly po kasi ‘yung mga threat actors po inaatake ‘yung mga government agencies. So pagka mayroon pong ganitong katulad na competition mahihikayat po ‘yung students mas lalo pang mag-practice and ever po sa government na rin sila mag-apply dahil government na naghohost dito,” ayon kay New Era University, Mark Owen Ramos.

Para naman sa information technology (IT) student na si Angelyn, mas nagkaroon ito ng interes na sumali sa HackforGov dahil kakaunti lang daw ang mga kababaihan sa larangan ng cybersecurity.

“I’m into cybersecurity. And ‘yun nga po umattend ako sa event last time, girls in ICT, and sabi po kakaunti lang po ‘yung girls sa cybersecurity field. Parang nakakamotivate to try and pursue that field po,” ayon naman kay Pamantasang Lungsod ng Maynila, Angelyn Hores.

Ganoon din si Bernadette na kasama ni Angelyn sa team sa HackforGov.

Bagama’t civil engineering ang kinukuhang kurso ni Bernadette ay nais niyang matuto pagdating sa cybersecurity na magagamit daw niya bilang pagka siya’y naging engineer na.

“It more on merging po eh. Civil engineering as well as technology kasi ‘yung civil engineering po, it’s a broad field po eh. Siyempre sa mga systems for example ‘yung mga ginagamit namin to measure things or to record things, siyempre kailangan din ng security non. And cybersecurity is applicable to many fields po,” saad ni Pamantasang Lungsod ng Maynila, Bernadette Ocampo.

Aminado ang DICT na sa gitna ng kaliwa’t kanang pag-atake sa mga sistema at website ng ilang ahensya ng pamahalaan, kulang na kulang ang mga eksperto sa Pilipinas pagdating sa cybersecurity.

Katunayan sa Cyber Security Bureau ng DICT, 200 tauhan ang kinakailangan pero nasa 60 lang ang kanilang empleyado na mas mababa kumpara sa dami ng eksperto sa mga karatig na bansa sa Asya tulad ng Myanmar.

Ang masaklap pa niyan ayon kay Cybersecurity Bureau Director Jose Carlo Reyes, hindi lahat ng ahensya ng gobyerno ay may mga cybersecurity personnel.

“Karamihan wala. With all honesty karamihan wala. Even private organizations, most of them wala talagang specific group or person focusing on cybersecurity,” saad naman ni Cybersecurity Bureau – DICT, Dir. Jose Carlos Reyes.

Ilan sa mga dahilan sa kakulangan ng mga eksperto sa cybersecurity sa gobyerno ani Reyes ay ang mababang sahod.

Dagdag pa nito ay mas pinipili ngayon ng mga kabataang magtrabaho abroad kung saan mas malaki ang kita

“Alam naman natin ‘yung pay sa government ‘yung salary grade no buts, no ifs, ito ‘yung sweldo, you want to accept it or not. Sa private sector, similarly, nagkukulang sila because sometimes alam naman natin ‘yung younger ones, ‘yung kanilang mga priorities in mind ‘yung level of salary,” dagdag pa nito.

Kaya naman umaasa ang DICT na sa pamamagitan ng HackforGov ay dadami pa ang mga kabataan na magkakainteres na pumasok sa mga trabahong may kinalaman sa cybersecurity.

“Alam naman natin ‘yung ating pool of experts ng cybersecurity is quite declining. So, we want to build a pool of cybersecurity professionals to serve government, private organization, hopefully here in the Philippines.”

“Hopefully, we could have realize na alam mo iyon parang mayroon na tayong spare to send abroad, and we could have more na mareretain dito sa Pilipinas to address our needs as well,” ani Reyes.

Matatandaan na ilang ahensya na ng gobyerno ang nabiktima ng hacking kabilang ang PhilHealth, Department of Science and Technology (DOST), at Philippine Statistics Authority (PSA).

Paglalahad ng DICT sa isang pagdinig sa Kamara kamakailan na mula December noong 2023, nakadiskubre sila ng higit 30-K na vulnerabilites sa humigit kumulang 2-K digital assets ng pamahalaan.

10 ahensya ng gobyerno naman ang tinukoy ng DICT na pinaka-vulnerable sa cyber-attack.

  1. Department of Health
  2. Department of Information and Communications Technology
  3. Department of Transportation
  4. National Economic Development Authority
  5. Philippine National Police
  6. Department of Environment and Natural Resources
  7. Philippine Economic Zone Authority
  8. Civil Service Commission
  9. Office of the President
  10. Department of Science and Technology

More in National News

Latest News

To Top