Connect with us

Kasunduan ng Pilipinas at Vietnam na hindi aarestuhin ang kanilang mga mangingisda sa WPS, verbal lamang ayon sa DND

Kasunduan ng Pilipinas at Vietnam

National News

Kasunduan ng Pilipinas at Vietnam na hindi aarestuhin ang kanilang mga mangingisda sa WPS, verbal lamang ayon sa DND

Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na verbal lamang ang kasunduan ng Pilipinas at Vietnam na hindi aarestuhin ang kanilang mga mangingisda sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Lorenzana na kapag may nakitang Vietnamese fishermen sa mga pinag-aagawang teritoryo ay pagsasabihan ang mga ito na sila ay nasa karagatang sakop ng Pilipinas at pakikiusapan na bumalik na sa kanilang lugar.

Ito aniya ay dahil wala namang Global Positioning System (GPS) ang mga mangingisda mula sa Vietnam at hindi nila alam kung nasaang lugar na sila.

Paliwanag ng kalihim, mahihirap lamang ang mga mangingisda na nais lamang kumita kaya’t nagkasundo ang dalawang bansa na huwag na silang pahirapan.

Bumisita si Lorenzana sa Vietnam noong nakaraang linggo kung saan tinalakay nila ni Vietnamese Defense Minister General Ngo Xuan Lich ang mga isyung may kaugnayan sa patuloy na aktibidad ng China sa West Philippine Sea.

Nakatakda namang makipagpulong ang kalihim kay U.S. Deputy Assistant Secretary of Defense for South and Southeast Asia Joseph Felter na bibisita sa bansa ngayong buwan para sa inisyal na pag-uusap hinggil sa 1951 mutual defense treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Gayunman, nilinaw ni Lorenzana na nais lamang nilang malaman kung ano ang tingin ng Estados Unidos sa kanilang panukala at kung ano ang nasa kasunduan.

 

DZARNews

 

More in National News

Latest News

To Top