National News
Kitty Duterte, iginiit ang habeas petition kay FPRRD
Nanindigan si Veronica “Kitty” Duterte na hindi maaaring ituring na moot o wala nang saysay ang kanilang habeas petition para sa kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, matapos umano itong iligal na ipadala sa Netherlands upang humarap sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa kanya, kung ibabasura ito ng Korte Suprema, maaaring magbukas ito ng isang mapanganib na precedent na magbabantang makompromiso ang integridad ng batas at hustisya sa bansa.
Iginiit niya na ang pag-aresto at pagpapadala sa kanyang ama sa ICC nang walang pahintulot mula sa lokal na korte ay hindi lamang lumalabag sa 1987 Constitution kundi pati na rin sa Article 19, Section 2 ng Rome Statute.
Dagdag pa rito, binigyang-diin niyang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, kaya’t hindi maaaring ituring na legal ang pag-aresto sa dating Pangulo.
Aniya, kahit nasa kustodiya na ng ICC si Duterte, hindi ito nangangahulugang nawalan na ng bisa ang kanilang petisyon, dahil ito pa rin ay isang iligal na pagkulong na batay sa isang warrant of arrest mula sa isang korteng walang kapangyarihan sa bansa.
Sa gitna ng usapin, patuloy niyang hinihikayat ang Korte Suprema na maglabas ng writ of habeas corpus upang ipaglaban ang karapatan ng kanyang ama at maitama umano ang naging proseso ng kanyang pag-aresto.
Bukod kay Kitty Duterte, nagpahayag din ng suporta sa petisyon ang iba pang anak ng dating Pangulo sina Congressman Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte na kapwa nagsumite ng kanilang komento sa Korte Suprema.
