National News
KOJC farm sa Tamayong, iligal na sinalakay; PNP, nanutok ng baril
Iligal na sinalakay, pinadapa at tinutukan ng mga de-kalibreng baril ng mga kapulisan ang mga missionary ng The Kingdom of Jesus Christ sa loob ng KOJC Farm sa Tamayong, Davao City.
Alas-2:00 ng madaling araw, Agosto 5, 2024 nang naalarma ang SMNI news ng impormasyong hinarang ng mga pulis ang isa sa mga abogado ng KOJC na papunta sa Glory Mountain sa Tamayong, Davao City.
Ayaw siyang papasukin ng PNP checkpoint sa Barangay Cawayan na katabi ng Barangay Tamayong.
Kasabay niyan ay namataan ang tatlong PNP patrol car sa purok 3 sa barangay Tamayong kung saan naroroon ang Prayer Mountain ng KOJC, isa sa mga apat na religious compound na iligal na nilusob ng pinagsanib na pwersa ng PNP-SAF at CIDG noong June 10, 2024.
Alas-5:00 AM naman nang makarating ang SMNI News sa Purok 3 sa Tamayong, pero hinarang din ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Batallion 11.
Kuwestiyonable ang pakay ng PNP checkpoint sa purok 3 ng nasabing barangay at para bang may itinatago sa media.
‘Yun pala, isa sa mga KOJC farm ang nilusob ng mga armadong pulis.
Maging ang kapitan at kagawad ng barangay ay pinagbawalan ng mga pulis na pumunta sa nasabing lugar para sana’y tingnan ang sitwasyon ng mga residente nila doon.
Ayon kay Joan Udtuhan, kagawad sa Brgy. Tamayong, “Wala sila mananghid. Ang purtahan didto karon tanan gipangransack. Gusto namo tan-awon. Gusto namo sudlon. Pero dile mi nila pasudlon.”
(Hindi sila nagpaalam. Ang pinto roon ngayon ay lahat na-raid. Gusto naming tingnan. Gusto naming pasukin. Pero hindi kami pinapasok nila.)
Ayon sa mga KOJC missionary na nakatira sa KOJC farm, marahas na sinalakay at binulabog sila ng mga kapulisan sa gitna ng kanilang pagtulog.
Anila, pwersahang binuksan at sinira ang kanilang mga pintuan.
Isa-isa silang tinutukan ng dekalibreng baril sa ulo, pinadapa sa lupa, at ang iba ay tinalian pa ang kamay.
Sa kabila ng kawalan ng search warrant, hinalughog naman ng mga armadong pulis ang mga kagamitan ng mga KOJC missionary.
Maging ang mga bagay na sagrado para sa mga misyonaryo ay hindi pinalagpas ng mga kapulisan.
Walang silang bitbit ang mga pulis na anumang dokumento gaya ng warrant of arrest o search warrant na nagpapatunay ng legalidad ng kanilang operasyon.
Dahil sa ginawang paglusob ng mga pulis at pagtutok ng mga baril, matinding takot ang idinulot nito sa mga KOJC missionary lalo na sa mga senior citizen.
Kitang kita naman ng mga bata ang paglusob ng mga pulis at kung papaano hinarass ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagpapadapa at pagtutok sa kanila ng mga baril.
Ipinagtataka ngayon ng mga KOJC Missionary kung bakit ginaganito ang kongregasyon gayong si Pastor Apollo C. Quiboloy naman ay mabuting tao at walang kasalanan.
Matatandaan, na nitong June 10, 2024, sabay-sabay ding nilusob nang madaling araw ng mga kapulisan ang apat na religious compound ng KOJC.
Nagdulot ito ng trauma at takot sa mga KOJC missionary at nagresulta ng pagkasawi ng dalawang miyembro ng Blaan tribe sa Kitbog.