National News
Kongreso, Malakanyang, pinakokomento sa isyu ng PhilHealth fund transfer
Pinakokomento na ng Korte Suprema ang Kongreso at Malakanyang para pigilan ang paglilipat ng pondo ng Philhealth sa National Treasury.
Sa petisyong inihain ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel, Philippine Medical Association at ng ilang health advocate noong Aug. 2, hinamon nito ang legalidad ng probisyon ng 2024 General Appropriations Act, na pinapayagan ang paglilipat ng sobrang pondo ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) sa National Treasury para mapondohan ang mga unprogrammed appropriations.
Maliban diyan ay umapela sila na mapatawan ng Temporary Restraining Order (TRO) ang paglilipat ng P89.90-B na excess fund ng Philhealth o Philippine Health Insurance Corporation sa National Treasury.
Humiling din ang mga petitioner na maibalik sa Philhealth ang P20-B na nailipat na kasunod ng kautusan ng Deparment of Finance (DOF).
Kabilang sa mga respondent’s ng petisyon ay ang Kamara, Senado, DOF, Philhealth at si Executive Sec. Lucas Bersamin.
Ang mga respondents ay binigyan lamang ng korte ng 10 araw para sa kanilang mga komento.
Matatandaan na una nang sinabi ng Deparment of Finance na ang fund transfer ay legal at may merito.
Sasagot daw ito sa petisyon sa pamamagitan ng Solicitor General.