National News
Korte Suprema, ibinasura ang huling kaso vs. ex-PGMA
Ibinasura na ng Korte Suprema ang pinakahuling kaso ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at pitong iba pa.
Ang naturang kaso ay may kaugnayan sa pagbebenta ng lupa mula sa Meisic, Binondo, Manila sa real estate giant na Megaworld Inc. noong 2006.
Dito na itinayo at matatagpuan ang commercial building na Lucky Chinatown Mall.
Matatandaan na ang plunder case ng Nesco International Development Corporation laban sa dating pangulo ay inihain sa Office of the Ombudsman noong 2016.
Nakasaad sa kanilang complaint, ang lupa na ibinenta ay ‘inalienable public property’ kung kaya’t hindi ito saklaw ng ‘commerce of men’.
Ibig sabihin ng ‘inalienable public property’ ay tanging ang lungsod kung saan sakop ang isang property gaya ng lupa ang may karapatan kung anuman ang gagawin nila dito.
Ang sinabing ‘commerce of men’ naman ay nangangahulugang pag-aari ng estado ang anumang property.
Sa paliwanag naman ng Korte Suprema, ang naturang lupa ay convertible bilang patrimonial property o pag-aari ng estado dahilan para ma-dismiss ang plunder case na inihain ng Nesco.
Samantala, ang ilan sa pito na kasama ni Arroyo na sinampahan ng naturang kaso ay sina dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Michael Defensor, Andrew Tan ng Megaworld, at George Yang ng McDonald’s.
