National News
Kumakalat na memo ng PNP na nag-uutos umano ng paglihis sa EDSA busway isyu, pinaiimbestigahan
Kumakalat ngayon sa social media ang isang memorandum mula sa PNP Headquarters sa Kampo Krame na umano’y nag-uutos sa lahat ng Police Regional Offices na ilihis ang isyu ng pagkakasangkot ni CPNP General Rommel Francisco Marbil sa iligal na pagdaan sa EDSA Busway noong Martes, Pebrero 25, 2025.
Batay sa memo, inatasan ang lahat ng commanders na huwag magbigay ng pahayag hinggil sa kontrobersiya at ipaubaya ang lahat ng sagot sa Public Information Office (PIO) ng Kampo Krame. Nakasaad din sa dokumento ang paggamit ng lahat ng PNP resources sa ilalim ng PCADG upang malimitahan ang negatibong pananaw kay Marbil sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga accomplishments ng iba’t ibang Police Regional Offices.
Ayon sa memo, mananatili ang kautusan hanggang Marso 5, 2025, o hangga’t hindi pa humuhupa ang usapin.
Matatandaang naging sentro ng kontrobersiya ang iligal na paggamit ng PNP convoy sa EDSA Busway, kung saan una itong iniuugnay kay Marbil ngunit kalaunan ay itinanggi at sinabing isang mataas na opisyal ng PNP umano ang sakay ng convoy. Idinahilan ng PNP na kailangang gamitin ang bus lane upang mabilis na makarating sa isang mahalagang pulong sa Kampo Krame.
Bagamat kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla na may emergency meeting noong araw na iyon, sinabi niyang wala siyang basbas kay Marbil upang lumabag sa batas trapiko.
Samantala, nang hingan ng reaksyon ang PIO ng National Headquarters, agad itong itinanggi na may balak ang PNP na manipulahin o ilihis ang anumang isyu. Sa halip, kanilang paiimbestigahan ang umano’y pagpapalabas ng nasabing memorandum.
