Metro News
Lady judge na pinagbabaril sa Manila RTC, pumanaw na
Pumanaw na ang isang lady judge matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang tanggapan sa Manila Regional Trial Court ngayong hapon.
Kinilala ang biktima na si Manila RTC Branch 45 Judge Ma. Theresa Abadilla na agad isinugod sa Manila Medical Center.
Ideneklara naman ng pamunuan ng nasabing ospital na dead on arrival ang biktima.
Kinilala naman ang suspek na si Atty. Amador Rebato, isang clerk of court ng nasabing branch na agad binawian ng buhay.
Ayon sa police report, nakarinig na lamang ng putok ng baril ang mga empleyado sa loob ng opisina ni Abadilla sa ikalimang palapag ng Manila City Hall kung nasaan ang lady judge at si Rebato.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa dahilan ng pamamaril.
Si Abadilla ay dating nagtatrabaho sa office of the Chief Justice Lucas Bersamin at Teresita De Castro.
Nagpahayag naman ng pakikiramay ang mga kasamahan ni Abadilla sa trabaho.