Metro News
Larawan ng mga kandidato, bawal sa sementeryo ngayong UNDAS
Todo linis na ngayon ang pamunuan ng Manila North Cemetery para sa inaasahang pagdagsa ng mga dadalaw ngayong UNDAS.
Ang nabanggit na sementeryo ang pinakamalaki sa buong Metro Manila at dahil katatapos lang ng pananalasa ng bagyong Kristine, kailangan ayon sa pamunuan nito na matiyak na ligtas ito para sa mga dadalaw.
Para manatiling malinis nga ang sementeryo sa UNDAS, ang mga vendor ay hindi pa rin papayagan sa loob.
Magkakaroon ng tamang tapunan ng basura at ang mga dadalaw hinihimok na huwag magkalat at mas mainam kung magdala ng sariling trash bags.
Ang mga patalim, baril at mga pampabasabog ay ipinagbabawal maging ang mga alak at bingo cards.
Ang mga alagang hayop ay bawal din sa loob ng sementeryo.
Hindi rin palulusutin dito ang mga tarpaulin ng mga kandidato sa 2025 midterm elections.
Ayon sa pamununaan, bawal na bawal itong ikabit sa sementeryo ngayong UNDAS at kung may makakalusot man, babaklasin nila ang mga ito kaagad.
Simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 bubuksan ang sementeryo, alas singko ng umaga hanggang alas syete ng gabi na kung ikukumpara dati ay hanggang alas singko lang ng hapon bukas.
Dodoblehin rin ng management ang bilang ng mga e-trike para sa libreng sakay ng senior citizens, PWDs at mga buntis.