National News
Lider ng Kamara, pinakakasuhan sa BOC ang mga smuggler sa Mindanao
Pinakakasuhan ni Speaker Martin Romualdez sa Bureau of Customs (BOC) ang mga rice smuggler kasama ang kanilang mga kasabwat sa pagpuslit ng libu-libong sako ng bigas na iligal na ipinasok sa mga pantalan sa Mindanao.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang apela kasabay ng paghahayag ito ng suporta sa naging desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipamigay ang mga nasabat na smuggled na bigas sa libong residente ng Zamboanga Peninsula.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos kasama ang ilan pang opisyal ng gobyerno sa pamimigay ng bigas noong Martes.
“We firmly stand with President Ferdinand R. Marcos Jr. in his initiative to distribute premium quality rice to the 4Ps beneficiaries in Zamboanga City with his instruction to the NFA to increase its buying price for palay,” ani Speaker Romualdez.
Ipinunto ni Speaker Romualdez na hangga’t hindi naparurusahan o nakukulong ang mga nasa likod ng smuggling ay magpapatuloy ang iligal na gawain ng mga ito kahit pa nakumpiska ng gobyerno ang kanilang mga naipuslit
Bilang kinatawan ng publiko, sinabi nila sa Kamara na tiyakin na mayroong sapat na suplay ng kanilang pangunahing pangangailangan na abot-kaya ang halaga.
Ayon kay Port of Zamboanga District Collector Arthur Sevilla, ang ipinamigay na bigas ng pangulo ay bahagi ng 42,180 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P44-M na nakumpiska ng BOC noong Mayo.
Sinabi ni Sevilla na ang pagkumpiska at pamimigay ng nakumpiskang bigas ay dokumentado.