National News
LKAB Prayer Rally, hinangaan ng iba’t-ibang supporter ng SMNI
Naging matagumpay ang 7-araw na Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Ang event ay bukas sa lahat kahit sa mga hindi kaanib ng Kingdom of Jesus Christ.
Libo-libong kababayan natin ang nakiisa sa mapayapang paghahayag ng saloobin sa iba’t-ibang isyu sa pamahalaan.
Ang construction worker na si Dondon, dumiretso agad sa Liwasan pagkatapos ng trabaho.
Ayon sa kaniya, sana’y makabalik na sa free TV ang SMNI dahil dito lamang siya nakasubaybay.
Si Tatay Manuel at ang kaniyang asawa, inaraw-araw ang pagpunta sa Liwasan.
Sila ay mga televiewer ng mga programa ni Pastor Apollo C. Quiboloy, mga programang pansamantala ay hindi muna mapapanood sa telebisyon buhat ng indefinite suspension na ipinataw ng National Telecommunications Commission (NTC) sa SMNI.
Hanga rin sila sa anti-insurgency programs ng himpilan na nakatuon sa information drive kontra CPP-NPA-NDF.
Ang taga-Quezon City naman na si Rodrigo Gonzales, sunod-sunod ding araw na nagpunta sa Liwasan.
Aniya, kahit sakripisyo ang pagpunta sa prayer rally dahil sa iniindang karamdaman, ito lamang raw ang natatangi nilang paraan upang ipabatid ang suporta sa SMNI.
Malaking ambag ani Gonzales ang anti-communist terrorist drive ng network para maiiwas sa recruitment ang mga kabataan.
Sa ngayon ay nagtapos na ang LKAB Prayer Rally pero magbabalik sa unang linggo ng Abril.
Sundan lamang ang official social media avenues ng SMNI para sa karagdagang impormasyon.