National News
LMP, pabor na gawing mandatoryo ang drug test sa mga kakandidatong politiko sa halalan
Pabor ang isa sa opisyal ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa hamon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sumailalim sa voluntary drug test ang mga kandidato ngayong Barangay at SK Elections (BSKE).
Sa panayam ng SMNI kay LMP Vice President for External Affairs Marcos Mamay, sinabi nitong hindi lang dapat boluntaryo kundi gawing mandatoryo ito sa mga politiko na tatakbo sa isang posisyon sa gobyerno.
Aniya, dito masusukat kung gaano ka sincero ang isang politiko sa pagsiserbisyo sa bayan na walang korapsiyon lalo na sa isyu ng iligal na droga.
Kasabay nito ang kanyang paghimok sa mga botante na piliin ang tama at karapatdapat na opisyal na magiging ehemplo ng maayos na pamamalakad sa isang lugar o barangay.
Sa isang press conference araw ng Lunes, September 18, 2023, nagbitiw ng matapang na pahayag si Interior Secretary Benhur Abalos para hamunin ang mga kakandidato sa BSKE na pangunahan ang magpadrug test.
