National News
LTFRB, bumigay sa panawagan ng transport groups na ihinto ang pagdagdag ng MC taxi sa Metro Manila
Nitong nakaraang linggo, muling nagkaisa ang mga lehitimong transport organization sa Metro Manila para tutulan ang plano ng pamahalaang Marcos Jr. na dagdagan ang Motorcycle (MC) taxi players.
Giit nila, lalong mawawalan ng hanapbuhay ang mga nagta-taxi, nagta-tricycle at iba pang namamasahero sa pagpabor ng gobyerno na magdagdag ng MC taxi.
“Ang usapan gusto mong mag-expand? Mag-probinsya ka hindi Metro Manila, ba’t sa Metro Manila kayo nagdagdag?” ayon kay NACTODAP, National President, Ariel Lim.
Sa isang pulong balitaan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinabi naman mismo ni Chairman Teofilo Guadiz III na hindi na itutuloy ng pamahalaan ang planong MC taxi expansion sa kalakhang Maynila.
“As early as last week, meron napo kaming utos galing sa kaniya na itigil na muna ang pagbibigay ng ruta sa Metro Manila,” ayon naman kay LTFRB Chairman, Teofilo Guadiz III.
Kay Transportation Secretary Jaime Bautista daw nanggaling ang utos sabi ni Guadiz.
May 51-K MC taxi riders ngayon ang nag-ooperate dito sa Metro Manila.
Pero, may inaprubahan kamakailan ang LTFRB na bagong 8-K MC taxi units.
Bagay na pinalagan ng mga transport group dahil wala raw itong approval ng kongreso sa ilalim ng Motorcycle Taxi Pilot Study.
“The 8,000 slots will now have to be made outside of Metro Manila,” saad pa ni Guadiz III.
Nauna nang nagbanta ang transport groups na malakihang kilos protesta kung hindi pagbibigyan ng pamahalaan ang kanilang panawagan.
“Hindi parin kami kontentado dahil kailangan ibalik nila sa 45,000 ‘yung number of sa Metro Manila na motorcycle taxi,” pahayag pa ni Ariel Lim.