Connect with us

LTO Chief Mendoza, inireklamo sa Ombudsman dahil sa umano’y katiwalian

LTO Chief Mendoza, inireklamo sa Ombudsman dahil sa umano'y katiwalian

National News

LTO Chief Mendoza, inireklamo sa Ombudsman dahil sa umano’y katiwalian

Sinampahan ng patong-patong na reklamo ng isang public transport group at supplier ng plaka si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II.

Ito ay matapos magtungo ang Federated Land Transport Organization of the Philippines (FELTOP) at PPI-JKG Philippines Incorporated sa Office of the Ombudsman, umaga ng Huwebes, ika-30 ng Nobyembre.

Kasong plunder, dishonesty at grave misconduct ang isinampang kaso ng supplier ng plaka ng LTO na PPI-JKG Philippines Incorporated.

Ito raw ay dahil sa pagpanig ni Asec. Vigor sa isang claimant kahit ang kaso pa ay nililitis sa Regional Trial Court Branch 90 sa Quezon City.

“Kami po ang awardee ng 2014 na kontrata ng mga plaka sa Land Transportation Office.”

“Regarding po sa aming kaso, PPI-JKG Philippine Incorporated na kinasasangkutan ng LTO sila po ang nag-file ng interpleader case para sa dalawang claimant po ang kumpanya namin at ang isang claimant. Ang nangyari po ay sila ay pumanig sa kabilang claimant habang ang kaso ay nililitis pa po sa RTC branch 90 sa Quezon City.”

“Ang nakaraang awardee po na naibigay sa amin ay nagkakahalaga ng P3.2 bilyon,” ayon kay PPI-JKG Philippines Incorporated, President, Christian Calalang.

Kasama rin sa inirereklamo ng kumpanya si Annabelle Arcilla Margaroli na sumali bilang project financer at tila kinukuha umano nito ang P470-M na koleksyon ng kumpanya sa LTO.

2013 ng lumahok bilang bidder ang naturang kumpanya bilang supplier ng plaka sa LTO.

2014 ng ma-award sa kanila ang P3.8-B pondo para sa procurement ng plaka.

Sinabi naman ni Attorney Mark Tolentino, legal counsel ng kumpanyang PPI-JKG Philippines Incorporated, violation of trust and confidence ang ginawa ni LTO Chief Mendoza dahil sa pakikialam sa nakabinbing kaso.

“May tinatawag na pinaboran niya we do not know maybe he’s compromise it depends into the investigation sa Office of the Ombudsman kasi bilang isang empleyado ng government kailangan yung trust niya sa public office is always a public trust dapat ang taumbayan ang amo niya hindi yung may mga pested interest diyan na negosyante,” ayon naman kay Legal Counsel, Atty. Mark Tolentino.

Umaasa si Calalang na mabibigyang-pansin ng Office of the Ombudsman ang kanilang reklamo laban sa nasabing opisyal.

“Lagi po natin tatandaan na habang ang kaso po ay nasa Korte pa tanging ang husgado lang po ang dapat humatol at hindi po ang sinuman. So, the rule of law must apply to all,” dagdag pa ni President, Christian Calalang.

Samantala, bukod naman sa supplier ng plaka, naghain din ng reklamo ang transport group na FELTOP laban pa rin kay Asec. Mendoza.

Ito raw ay dahil sa pagpapabalik ng computer system fee sa Land Transportation Management System (LTMS) na pabigat sa mga motorista.

“Bakit ginawa ‘yun ni Attorney Vigor without doing due diligence sa kanila na kung may nakita siyang mali doon sa LTMS dapat pinag-aralan niya muna hindi muna siya lumagpas sa memo kasi ‘yung pagtanggal ng P169 computer fee pabor po sa amin ‘yun malaking bagay at malaking tulong sa amin ‘yun. Kaya nakikita namin na mayroong grave abuse of discretion o negligence of the part ni Attorney Vigor kasi kinalimutan niya ang general welfare naming mga motorist,” pahayag naman ni FELTOP, Spokesperson, Jun Braga.

Dahil dito, humihiling ang FELTOP group na patawan ng preventive suspension si Asec. Vigor Mendoza.

“After the file of this case the Office of the Ombudsman will conduct an investigation of course bibigyan sila ng summon para sagutin niya lahat ng reklamo after that kapag may probable cause iaakyat sa prosecutor’s office and diretso sa Sandiganbayan,” dagdag pa ni Atty. Mark Tolentino.

Sa ngayon, hinihingian ng pahayag ng SMNI News si LTO Chief Asec. Vigor Mendoza kaugnay sa mga akusasyon na ipinupukol laban sa kanya.

More in National News

Latest News

To Top