National News
Lumalalang prostitusyon sa bansa, planong dinggin sa Senado – Sen. Hontiveros
Posibleng magsagawa muli ang senado ng pagdinig kaugnay sa lumalalang kaso ng prostitusyon sa Pilipinas.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, batay na rin ito sa naging pahayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Vicente de Guzman III na may kaugnayan sa pagdami ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Ani Hontiveros, kabilang sa mga nakatakdang imbitahan sa isasagawang pagdinig ang kinatawan ng Chinese Embassy dahil sa pang-aabuso umano ng ilang Chinese national sa kanilang pribelehiyo sa visa upon arrival na posibleng dahilan kaya’t maraming Chinese nationals ang sangkot sa prostitusyon sa bansa.
Dagdag pa ng senador, kasama rin ang kinatawan ng ilang mga hotel na napabalitang sangkot sa iligal na aktibidad.
Matatandaan, batay sa datos ng mga otoridad, tinatayang higit 100 mga babae ang nasagip sa mga prostitution dens mula taong 2019.