COVID-19 UPDATES
Lungsod ng Dagupan, nakapagtala ng 4 na nagpositibo sa COVID-19
Nakapagtala na ang lungsod ng Dagupan ng 4 na nagpositibo sa nakamamatay na Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH).
Sa pahayag ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Dagupan, nakasaad dito na ikinalulungkot nito ang naturang impormasyon.
Dahil dito ay ipinatupad na ang extreme enhanced community quarantine sa nasabing syudad.
Ang 2 pasyente ay kasalukuyang naka-self-imposed quarantine sa kanilang tahanan sa Brgy. Pogo Chico habang ang 2 naman ay ilang araw nang naka-isolate at naka-quarantine sa pasilidad ng Region 1 Medical Center (R1MC).
Sa ngayon ay naka-lockdown na ang nabanggit na barangay at ipinagbawal na ang pagpasok at paglabas ng mga tao rito.
Samantala, aminado si Dr, Joseph Roland Mejia ang medical center chief ng R1MC ng Dagupan na magiging mahirap ang pagsugpo sa nakamamatay na COVID-19 kung hindi susunod ang publiko sa mga ipinapatupad ng gobyerno na mga hakbang gaya na lamang ng social distancing, proper hygiene at iba.
Posted by Region 1 Medical Center – Official on Tuesday, 17 March 2020
Kaya naman muli itong nagpaalala sa publiko na ugaliin ang proper hygiene at ang social distancing upang hindi na lumaganap pa ang COVID-19.
