National News
Maayos at maginhawang pagbabiyahe ngayong Undas, tiniyak ng AirAsia, MIAA
Tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) at ng AirAsia Philippines ang maayos at maginhawang pagbiyahe ng mga pasahero sa NAIA terminals para sa darating na Barangay at SK Elections at paggunita ng Undas.
Sa katunayan nasa 90% na ang naabot ng AirAsia Philippines na On Time-Performance o tamang oras o mas maaga pa sa skedyul ng pag-alis at paglapag ng eroplano sa paliparan.
Araw ng Biyernes nang pinangunahan ni AirAsia Philippines CEO Ricky Isla at MIAA OIC Bryan Co kasama ng airport officials ang inspection sa NAIA Terminal-2 para tiyakin na mabibigyan ng kaginhawaan ang mga pasahero sa paliparan partikular na sa mga magbabakasyon sa kani-kanilang probinsya.
Sa ngayon kasi nagdagdag ang AirAsia Philippines ng check-in counter at 4 na self-check-in kiosk kaya naman mabilis ang proseso sa pag-check in ng mga pasahero sa NAIA Terminal-2.
Inaasahan ng AirAsia na kaya nitong mag-operate ng higit sa 700 domestic flights at mag-sakay ng higit sa 90,000 na mga pasahero mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 1.
8% itong mas mataas ngayon kumpara sa nakaraang taon sa parehong petsa na nag-average ng 90-93% passenger load.
Gayunpaman, tiniyak ng AirAsia Philippines na walang overbooking na mangyayari sa kasagsagan ng mga pasaherong uuwi o magbabakasyon sa kani-kanilang probinsya.
Habang sa kabuuan ay pagsisikapan din ng MIAA na mapapanatili din nito ang magandang on Time-Performance sa NAIA terminals ngayong darating na Undas.
Samantala, pinangunahan din ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang walkthrough sa NAIA Terminal-1.
Sa kanyang assestment mas mahaba ang pila sa final security check point pero sa kabuuan hindi pa rin naman nahirapan ang mga pasahero sa proseso ng kanilang pag-check in.
Inirerekomenda din ng kalihim na magdagdag ng security personnel sa final security screening kung saan mas madalas na mahaba ang pila ng mga pasaherong papaalis ng bansa.