National News
Mabilis na pagkilos ng PRO3 sa Lulu couple case, pinuri ng PNP
Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaaresto sa mga suspek sa pamamaslang sa mag-asawang online seller sa Pampanga nitong nakaraang linggo lang.
Susi sa nasabing operasyon ang mahigpit na manhunt operation ng Police Regional Office 3.
Personal na pinuri ni chief PNP Police General Rommel Francisco Marbil ang mabilis na pagkakadakip sa mga pangunahing suspek sa karumal dumal na pamamaslang sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa Mexico, Pampanga noong Oktubre 4, 2024 habang lulan ng isang sasakyan.
“Our message is clear, the PNP stands as the protector of the Filipino people.
We will remain vigilant and relentless in the pursuit of justice, for it is through justice that we restore peace and order in our communities.
“Justice cannot wait. The PNP will stop at nothing to ensure that every victim of violence receives the justice they deserve. The swift arrest of these suspects is a testament to our unwavering commitment to uphold the rule of law and protect the innocent.”
Susi sa nasabing operasyon ang mga operatiba ng Central Luzon Police.
Ayon sa ulat ni PRO 3 Regional Director BGen. Red Maranan, kabilang sa naaresto ang riding in tandem suspects na kinilalang sina Arnold Taylan at Arnel Buan sa Nueva Ecija.
Kalauna’y nagbigay ito ng mahalagang impormasyon sa ikadarakip naman ng limang iba pang suspek na kinilalang sina Robert Dimaliwat,Rolando Cruz, Jomie Rabandaban, Sancho Nieto, at ang itinuturong utak ng krimen na si Anthony Limon.
Ayon sa impormasyon ng Central Luzon Police, si Limon ay isa ring online seller gaya ng mag asawang biktima at may utang na P13 milyon sa mga biktima na posibleng motibo sa pamamaslang.
Nagbayad ng halos P1 milyon si Limon para itumba ang mga biktima sa mismong bahay ng mga ito habang pinagkukuha rin ang ilang mahahalagang gamit nila.
Napag-alaman rin na ang mga suspek ay sangkot rin sa ilang shooting incidents sa mga lalawigan ng Pampanga, Bataan at Nueva Ecija.
Nakarekober rin ang mga operatiba sa operasyon ng siyam na iba’t ibang uri ng baril.
Sinampahan na ng double murder case ang mga suspek at posible pang madagdagan ang bilang ng mga taong sangkot sa pagpatay sa mag-asawang online seller kasama na ang asawa ng mastermind.
