National News
Magkakasunod na pagkamatay ng high profile inmates sa NBP, iimbestigahan ng DOJ
Agad na sisimulan ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa pagkamatay ng 18 high profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na maglalabas siya ng memorandum order makaraang nadiskubre na halos 200 mga preso ang halos isang taon nang nakalagak sa Eastern Funeral Homes sa Alabang, Muntinlupa City na accredited ng Bureau of Corrections (BuCor).
Nabatid na wala pa kasing mga kaanak ang nag-claim sa mga bangkay na karamihan ay hindi pa tukoy ang sanhi ng ikinamatay sa loob ng Bilibid.
Kaugnay nito ay nagpahayag ng pagdududa ang DOJ sa kontrobersyal na pagkamatay ng 18 high profile inmates sa NBP noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic na noon ay nasa ilalim ng pamumuno ni BuCor Director General Gerald Bantag.
Kabilang sa mga sinasabing pumanaw dahil sa COVID-19 ay sina Benjamin Marcelo na pinuno ng mga presong Chinese sa NBP; Amin Imam Buratong na operator ng Shabu Market sa Pasig City; Jimmy Kinsing Hung, Francis Go, Jimmy Yang, Eugene Chua, Ryan Ong, Zhang Zhu Li at Jaybee Sebastian na mga kapwa akusado sa kasong illegal drug trade na kinakaharap ni dating Senator Leila de Lima.
