National News
Mahigit 100 OFWs mula Lebanon, uuwi na ngayong linggo
Inaasahang makakauwi na sa Pilipinas simula Oktubre 11, 2024 ang nasa 151 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Lebanon.
Sa anunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW), siyam na flights ang available mula Oktubre 11 hanggang Oktubre 28 kasunod ng pagbabalik muli ng operasyon ng commercial airlines sa Beirut.
Matatandaan na ang flight cancellations ng major airlines sa Lebanon ang sanhi ng pagka-delay ng pag-uwi ng mga OFW.
Sa 15 OFWs nga na nakatakda sanang umuwi sa Pilipinas noong Setyembre 25 ay inilipat nalang ang tatlo sa nabanggit na Oktubre 11 flight schedule ng DMW.
Ang natitirang OFWs naman mula sa naturang bilang ay makakasama sa 17 iba pa na uuwi sa Oktubre 22.
Samantala, hindi pa itataas ng Pilipinas ang alert status ng Lebanon sa kabila ng patuloy na kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hezbollah.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), hindi pa kinakailangan na magdeklara ng alert level 4 kung saan magiging mandatoryo na ang repatriation o pagpapauwi ng mga Pilipino sa Pilipinas.
Kung mandatory rin ang repatriation ay maaaring hindi na makabalik sa kanilang trabaho ang mga OFW.
Sa ngayon ay nasa alert level 3 pa ang Lebanon.
Ibig sabihin, boluntaryo pa ang repatriation na gagawin ng pamahalaan sa mga interesadong Pilipino na makauwi sa Pilipinas at makaiwas sa kaguluhan.
Mahigit 500 na mga Pilipino na mula sa Lebanon ang nakabalik habang 1, 205 ang nagpahayag na makaalis na doon.
