COVID-19 UPDATES
Mahigit 1,000 pasahero mula sa Costa Fortuna Cruise Ship sa Singapore, ligtas sa Coronavirus
Idineklarang ligtas sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang 1,631 pasahero ng Cruise Ship na Costa Fortuna at nakadaong na rin ito sa Singapore matapos tanggihan ng iilang pantalan dahil sa banta ng Coronavirus.
Sa joint statement ng Singapore Health Ministry (SHM), Maritime and Port Authority of Singapore (MPAS) at Singapore Tourism Board, dumiretso na sa airport at sa kani-kanilang hotels ang mga dayuhang pasahero matapos makababa ng barko.
Sa pahayag ng mga otoridad, sa susunod na 2 araw ay makakaalis na ng Singapore ang lahat ng mga dayuhang pasahero.
Ipinaliwanag naman ni Minister for National Development Lawrence Wong ang agam-agam ng publiko hinggil sa pagdaong ng nasabing cruise ship.
Ani wong, walang dapat ikabahala dahil iba ang kaso ng mga ito.
Aniya, ang mga pasahero ng cruise ship na kinabibilangan ng 2 Singaporean ay sumakay noong Marso 3 at nasuri ang kanilang mga temperatura bago pa man sila sumakay sa barko.
Tiniyak naman ng mga otoridad na doktor mismo ang nagbigay ng certification na ligtas sa virus ang lahat ng pasahero bago bumaba ng barko.
Matatandaan na tinanggihan sa mga pantalan ng Penang at Phuket noong isang linggo ang Costa Fortuna River Cruise kahit pa kinumpirma ng operator ng barko na walang nagkasakit sa mga pasahero nito.
Ulat ni: Aemor Rivas
